Nanindigan ang Bantay Bigas na dapat higit na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang paghahanda sa banta ng El Niño, partikular ang pagtiyak sa sapat na suplay ng tubig para sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, mahalagang unahin ang pagpapanatili ng sapat na tubig sa mga dam upang matiyak ang tuloy-tuloy na irigasyon ng mga sakahan sa oras na maranasan ang matinding tagtuyot dulot ng El Niño.
Sinabi rin nito na sa panahon ng tag-ulan ay marami pa ring tubig-ulan ang nasasayang dahil hindi pa rin umano nabibigyang-pansin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga rainwater catchment system na maaaring magsilbing imbakan ng tubig para sa agrikultura.
Binanggit din niya ang matagal nang suliranin sa pagsasaayos ng mga irrigation canal, na aniya’y madalas naisasantabi sa kabila ng malaking pangangailangan ng mga magsasaka.
Ayon pa sa kanya, ang mga pondong nakalaan para sa mga programang makatutulong sa mga magsasaka ang ilan sa mga pinakaapektado ng umano’y katiwalian.
Dahil dito, muling iginiit ng grupo na dapat tiyakin ng pamahalaan ang maayos na pamamahala sa mga dam at mga sistemang pang-irigasyon upang mapanatili ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Kasabay nito, nanawagan ang Bantay Bigas para sa agarang pagpapatupad ng production subsidy na hindi bababa sa P50 kada kilo upang matiyak na may sapat na kakayahan ang mga magsasaka na makapagtanim bago pa man lumala ang epekto ng El Niño.
Aniya, bagama’t may mga intervention at hakbang na ipinatutupad ang pamahalaan, kinakailangan pa rin ng mas konkretong aksyon upang maiwasan ang paglala ng krisis sa agrikultura.
Babala nila, kung hindi agad matutugunan ang mga suliranin sa produksyon, maaaring lalo lamang umasa ang bansa sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa.
Sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, umaasa ang Bantay Bigas na mabibigyan ng tunay na prayoridad ang lokal na sektor ng agrikultura.
Nais din ng grupo na marinig mula sa Pangulo ang malinaw na mga programa para sa kapakanan ng mga magsasaka at ang pangakong pakikinggan ang kanilang mga hinaing upang maibigay ang kinakailangang suporta para sa kanilang kabuhayan at sa seguridad sa pagkain ng bansa.










