Nanawagan ang Bantay Bigas, para sa mas mahigpit na hakbang upang palakasin ang lokal na produksyon ng bigas at itigil ang labis na pag-asa ng Pilipinas sa imported na bigas, kasunod ng ulat ng United States Department of Agriculture (USDA) na posibleng umabot sa 5,000 metric tons ang aangkating bigas ng bansa ngayong taon.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng nasabing grupo tila napapabayaan na ang sektor ng agrikultura at ang mga magsasaka, habang patuloy ang pagbaha ng imported na bigas sa lokal na pamilihan.
Dahil dito, bumabagsak ang presyo ng palay at lalong nalulugi ang mga magsasaka.
Binanggit din ni Estavillo ang epekto ng mga nagdaang bagyo, kung saan ang sektor ng agrikultura ang pangunahing tinamaan.
Sa kabila nito, hindi pa rin umano ginagawa ng gobyerno na prayoridad ang pagpapalakas ng lokal na produksyon.
Lalo na kung patuloy ang ganitong polisiya at mananatiling walang konkretong suporta sa mga magsasaka, magpapatuloy ang malakihang importasyon ng bigas.
Isa rin sa mga binigyang-diin ng Bantay Bigas ay ang naging epekto ng pagbaba ng taripa sa rice imports mula 35% tungo sa 15%.
Kaya’t hinikayat din niya sina Senador Risa Hontiveros at Senador Kiko Pangilinan na pangunahan ang mga hakbang upang maibalik ang proteksyon sa lokal na produksyon.
Dahil hindi sila mapapagod na manawagan at kumilos para sa kapakanan ng mga magsasaka at ng pambansang seguridad sa pagkain.