DAGUPAN CITY- Panawagan ng Bantay Bigas ang pagpapatupad ng Price Control sa produktong bigas sa merkado upang maiwasan ito na pumalo sa P100 kada kilo dulot ng krisis sa langis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng grupo, mas mainam ito kumpara sa mungkahi ng Department of Agriculture (DA) na price cap dahil mas malawak ang sakop nito.

Sa ngayon, pumalo na umano sa hindi bumababa sa P200 kada kaban ang presyo ng bigas at pumapatak na lamang sa P53 ang pinakamababang presyo sa kada kilo nito.

--Ads--

Maging ang presyo ng abono, pestisidyo, at iba pang pangangailangan sa pagtanim ng palay ay tumataas na rin.

Paliwanag ni Estavillo, awtomatikong apektado ng krisis sa langis ang produksyon ng bigas sa bansa dahil paggamit ng gasolina sa mga pinagdadaanang proseso at liberalized din ito.

Bukod sa mungkahing price control, mas makatutulong ang pamamahagi ng P50,000 production subsidy sa mga magsasaka, kumpara sa P5,000 na kulang pa para mabayaran ang isang araw ng traktora.

Saad pa niya, ibasura na rin ang Oil Deregulation Law at suspindihin ang excise tax at Value Added Tax (VAT) ng mga produktong petrolyo upang makontrol ng gobyerno ang lingo-linggong pagtaas ng presyo nito.

Binigyan halaga ni Estavillo ang pag-una ng gobyerno sa lokal na produksyon ng agrikultura upang mas matiyak ang food security ng bansa, kaysa sa umaasa na lamang sa importasyon.