DAGUPAN, CITY – Kinukundena ng grupong Bantay Bigas ang kawalang aksyon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.
Ito ay kasunod ng tinatayang nasa P3 hanggang P4 ang inaasahang presyo ng bigas sa susunod na buwan.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, nararapat nang matugunan sa lalong madaling panahon ng gobyerno ang naturang problema dahil mas lalo lamang umano nitong pahihirapan ang mga low-income families at mas tataas lamang ang bilang ng mga magugutom na pamilya.
Aniya, ang patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas at iba pa na pangunahing produkto ay manipestasyon ng lalong pagtaas ng inflation.
Kaya naman binalikan ni Estavillo ang pahayag ni pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr na pagbaba sa 20 pesos ng presyo ng bigas na maituturing umano na suntok sa buwan at hindi kaya lalo na sa ngayon ay mataas ang production cost sa pagtatanim pa rin ng palay.
Ipinagtataka na lamang umano nila na marami rin umanong imported na mga bigas na pumapasok sa bansa at gayundin ang mga ani ng mga magsasaka ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin umano ito naiibsan ang suplay ng bansa.
Mungkahi ni Estavillo, kinakailangan nang mabuwag ang nakapaloob sa Republic Act No. 11203 o rice tariffication law upang makakapagbigay tugon agad ang pamahalaan para sa regulasyon sa presyo ng bigas sa bansa.