Dagupan City – Hinamin ng Bantay Bigas ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ibaba ang presyo ng bigas sa merkado nang hindi umaasa sa importasyon.

Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, gasgas na kasi ang solusyon ng NEDA at Department of Agriculture (DA) na aasa sa importasyon kung saan ay nakatakdang ibaba ang rice tariff rates sa 15% sa mga imported rice.

Aniya, malaking dagok na naman ito sa lokal na magsasaka sa bansa, dahil muling nagbukas ang pagpasok ng importasyon na nagreresulta naman sa displacement ng mga lokal na magsasaka.

--Ads--

Binigyang diin naman ni Estavillo na hindi talaga kayang maibaba ang taripa sa lokal na produksyon dahil kulang na kulang ang suporta ng pamahalaan sa kanila kung ikukumpara sa mga nakukuha sa ibang bansa.

Paglilinaw pa nito na ilang dekada na ang nakalilipas na ginagawang import ang solusyon ng gobyerno ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong plano.

Sa ulat naman na maaring matapyasan ng P6 hanggang P7 ang presyo ng kada-kilo ng bigas, wala itong naipakitang datos aniya at pawang mga consumer at lokal na magsasaka lamang ang kawawa at iinda sa nasabing panukala.

Samantala, patuloy naman ang panawagan nila na hindi sila sang-ayon sa Rice Liberalization Act (RA 11203) dahil tila pumapatay lamang ito sa mga lokal na magsasaka.