Dagupan City – Dismayado ang bantay bigas sa target ng gobyerno na gawing P29 ang bigas sa ‘piling consumer’.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa spokesperson nitong si Cathy Estavillo, bagama’t tunog magandang balita ang nasabing ulat, nangangahulugan naman itong hindi pangkalahatan.

Ayon kay Estavillo, lumalabas kasi na ang target na pagbaba ng presyo ng bigas ay para lamang sa mga pangunahing consumer nito na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Senior Citizens kung saan ay mabibili lamang nila sa mga kadiwa stores.

--Ads--

Malayo sa ipinangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na gagawing P25 ang bigas kapag siya na ang nakaupo.

Ani Estavillo, 2 taon na kasing nakaupo ang pangulo ngunit lumalabas na lalo lamang nababaon ang bansa sa solusyong importasyon at hindi napapahalagahan ang mga lokal na magsasaka ng Pilipinas.

Kung sana lang aniya nabibigyan ng konkretong plano at subsidiya ang mga magsasaka ay hindi sana malayong makamit ang target ng administrasyon ng pangulo na makamit ang pagbaba ng presyo.

Kaugnay nito, nananatili pa rin ang kanilang panawagan na ibasura ang RA 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL) upang mapanatili ang paglago ng sektor ng agrikultura sa bansa.