DAGUPAN CITY – Naniniwala ang ilang mga economist at local residents na mistulang pananakot ang ginawa ni US President Donald Trump sa kanyang bantang magpataw ng 100 porsiyentong taripa sa lahat ng produktong mula sa Canada sakaling makipagkasundo ito sa China sa larangan ng kalakalan.
Ayon kay Ruth Magalong, Bombo International News Correspondent sa Canada, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, lumalabas na gumaganti ang Estados Unidos matapos makipagkasundo ang Prime Minister ng Canada sa pamahalaan ng China upang palawakin ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Gayunman, nanindigan ang Punong Ministro ng Canada sa soberanya ng kanilang bansa at iginiit na kaya nilang tumayo at magpatuloy kahit walang kasunduan sa Estados Unidos.
Kamakailan ay nagkaroon ng pagpupulong ang Canadian Prime Minister sa Beijing, na sinasabing naging dahilan ng banta ng US na magpataw ng 100 porsiyentong taripa sa Canada.
Ang Canada ang pinakamalaking supplier ng crude oil ng Estados Unidos, habang ang US naman ang nagsusuplay ng humigit-kumulang 80 porsiyento ng lumber at agricultural products ng Canada.
Ayon pa kay Magalong, bagama’t may posibleng pagtaas ng presyo, ito naman ay regulated ng pamahalaan.
Matatandaang una nang nagpataw ang US ng 25 porsiyentong taripa sa Canada, na sinundan pa ng karagdagang 10 porsiyento noong Setyembre.










