Sa pagpasok ng tag-ulan, muling nagbabala ang mga bangus growers sa Pangasinan hinggil sa banta ng “tangok” o pagkaapekto ng kalidad ng isda dulot ng biglaang pagbabago sa tubig at kondisyon ng kapaligiran.
Ayon Cristopher Aldo Sibayan – Presidente ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), kahit sa mainit na panahon ay may tangok, ngunit mas tumitindi ito kapag tag-ulan.
Isa sa mga pangunahing sanhi ay ang pag-agos ng tubig mula sa mga sakahan na may pataba o fertilizer, na nagdadala ng sobrang nutrients at ammonia sa mga palaisdaan.
Samantala, mahigpit din umanong binabantayan ng kanilang mga miyembro ang lebel ng tubig sa mga ilog, upang maiwasan ang biglaang pagtaas o pagbaba na maaaring magresulta sa pagkaapaw o pagkamatay ng mga isda.
Matatandaang noong Oktubre at Disyembre ng nakaraang taon ang magkakasunod na bagyo na naranasan sa lalawigan, ay nagdulot ng storm surge at malawakang pinsala sa mga palaisdaan.
Kung saan dahil dito ay bahagyang numipis ang suplay ng bangus ngunit naging sapat naman para sa pangangailangan.
Payo naman nito sa mga kapwa nila bangus growers, na itaas ang pilapil o magsagawa ng pagtatambak ng lupa, kung kinakailangan.
Kung hindi naman posible, maaaring gumamit ng mga lambat sa paligid ng palaisdaan upang hindi makatakas ang mga isda sakaling tumaas ang tubig.
Nagpaalala rin ito sa mga mamimili na maging maingat sa pagbili ng bangus dahil may mga pagkakataong ang isda ay may tangok o hindi sariwa.
Kaya’t mas mainam umano na alamin kung bagong huli at malinis ang pagkukuhanan ng produkto.