Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson laban sa tinawag niyang mga “homegrown traitors” o mga Pilipinong handang ibenta ang bansa kapalit ng pansariling pakinabang.

Ayon kay Lacson, sa mahigit limampung taon niyang pagsisilbi sa pamahalaan—kung saan halos kalahati ay ginugol niya sa intelligence work—maliban sa technical intelligence, malaking banta rin sa seguridad ng bansa ang mga indibidwal na handang magbenta ng impormasyon at interes ng Pilipinas.

Aniya, karaniwan itong tinutukoy bilang “recruitment in place,” kung saan ang mismong ilang Pilipino ang nagiging traydor laban sa sariling bayan.

--Ads--

Matatandaan na sa pagdinig ng Commission on Appointments noong Miyerkules, Pebrero 4, mariing kinontra ni Lacson ang mungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG).

Giit ng senador, ang pagsuko sa KIG ay katumbas ng pagsuko hindi lamang ng isang teritoryo kundi ng bahagi ng Luzon o maging ng buong bansa.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang Spratly Islands ay unang natuklasan at inangkin ng Pilipinong abogado at adventurer na si Tomas Cloma sa ilalim ng prinsipyo ng “res nullius,” kung saan ang isang lupain na walang nagmamay-ari ay maaaring ariin ng sinumang makakatuklas at makakasakop nito.

Kalaunan, isinuko ni Cloma ang karapatang ito sa pamahalaan ng Pilipinas, na nagsisilbing isa sa mga legal na batayan ng bansa sa pag-angkin sa nasabing teritoryo.

Samantala, sa kasalukuyan, mayroong mga Pilipinong naninirahan sa KIG na isang bayan sa Palawan na siyang patuloy na pinagtatanggol ng mga Pilipinong may paninidigan at pagkilala sa teritoryong dapat para sa Pilipinas.