DAGUPAN CITY- Isang malaking banta para sa mga turista o mga bakasyonista ang pambibiktima ng mga kolorum sa Fake online booking sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLT. Sharmaine Jassie Labrado, Team Leader ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team, kadalasan aniya nito ay ang pagsasamantala sa online booking o reservation para sa nalalapit na holiday season.
Mahirap man ito mapansin sa umpisa dahil hindi ito nalalayo sa mga tunay na booking ngunit ang pinagkaiba lamang ng mga hindi tunay ay ang mababang halaga ng kanilang serbisyo.
Subalit, matapos magpadala ng nasabing halaga ay bigla na nila itong puputulan ng koneksyon o komunikasyon.
Aniya, maging mapanuri sa mga nakapost sa online kabilang ang mga airline ticket, accomodation, maging mga travel agency, at online booking o reservation na nag aalok ng mas mababang presyo o mas murang reservation fee.
Payo naman ni PLT. Labrado na hingan ng permit o I.D sa tuwing nakikipag-transact at iwasang magbigay ng kahit anong halaga hanggang hindi pa kumpiradong tunay ang nakakausap.
Ugaliin din maging mapanuri sa mga website partikular na sa mga resort. Magtanong din maigi upang maberipika ang mga ito.