DAGUPAN CITY- Ramdam na ramdam ang pagiging abala ng mga mamamayan s Kuwait para sa kanilang pagdiriwang ng Eid’l Adha.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jane Anlap Lorenzo, Bombo International News Correspondent sa Kuwait, iniulat niyang tulad ng nakasanayan, abalang-abala ang mga mamamayan at mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Aniya, ang Eid’l Adha ay isa sa pinakamahalagang selebrasyon sa mga bansang may malaking populasyon ng Muslim, gaya ng Kuwait.
Para sa mga manggagawang Pilipino roon, ito ay isang abalang araw, ngunit umaasa ang ilan sa kanila na mabibigyan ng day off upang makapagpahinga at makiisa sa pagdiriwang.
Makikita rin ang mga paghahanda ng mga mamamayan, kabilang ang pagbili ng mga pagkain, pag-aayos ng mga tahanan, at pagsasagawa ng mga tradisyon na bahagi ng kanilang kultura.
Dahil sagrado ang naturang araw, mahigpit na ipinapaalala sa publiko, lalo na sa Filipino community na iwasan ang mga maiingay na aktibidad tulad ng videoke, na itinuturing na hindi angkop sa panahon ng pagninilay at panalangin ng mga Muslim.
Sa huli, nagpaabot din ng pagbati si Lorenzo sa lahat ng mga kababayang Muslim sa Kuwait at sa buong mundo.