Isang malaking pagnanakaw ang naganap sa Sparkasse savings bank sa Gelsenkirchen, Germany, kung saan ginamit ng mga magnanakaw ang isang malaking drill upang makapasok sa vault room at nakapagnakaw ng cash, ginto, at alahas na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.9 billon.
Mahigit 3,000 safe deposit boxes ang binuksan ng mga suspek habang sarado ang mga negosyo sa mahabang Christmas break.
Nadiskubre ang krimen matapos tumunog ang fire alarm kung saan nakita ng emergency services ang butas na dinaanan ng mga magnanakaw mula sa parking garage.
Ayon sa mga saksi, ilang lalaki ang namataan na may dalang malalaking bag sa hagdanan ng gusali, at nakuhanan din ng CCTV ang isang itim na sasakyan na may mga nakamaskarang tao na umalis sa lugar.
Natuklasan ng pulisya na ang plaka ng sasakyan ay ninakaw pa sa Hanover.
Habang nananatiling malaya ang mga suspek, daan-daang kliyente ng bangko ang nagtipon sa labas ng branch upang humingi ng impormasyon, ngunit hindi ito binuksan dahil sa banta laban sa mga empleyado.
Ayon sa pulisya, ang bawat kahon ay may average insurance value na higit €10,000, ngunit maraming biktima ang nagsabing mas malaki pa ang kanilang nawalang halaga kaysa sa insured value.
Naglatag na ng hotline ang bangko at tiniyak na makikipagtulungan ito sa insurance company upang matugunan ang mga claim ng mga apektadong kliyente.










