DAGUPAN, CITY—- Nanawagan ang mga bangus vendors sa Magsaysay Fish Market na maprotektahan ang suplay ng Dagupan bangus laban sa mga illegal na ipinupuslit mula sa probinsya ng Bulacan.
Ayon kay Malou Barrozo, isang Bangus Vendor sa naturang palengke, kanyang ibinahagi na tila nasasapawan umano ang kanilang panindang Dagupan bangus dahil na rin sa paglipana ng mas murang mga bangus sa nabanggit na lalawigan.
Kanyang sinabi na kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa lungsod ay maraming mga maglalako ng bangus mula sa lungsod ang malulugi dahil mas tatangkilikin ng mga mamimili ang mas murang presyo ng Bulacan bangus.
Aminado kasi ang naturang tindera na tila natatalo ang kanilang paninda dahil mas tinatangkilik ang mga illegal na napupuslit na mga bangus dahil sa mababang halaga nito.
Aniya, dapat ay mas mahigpitan pa ng kinauukulan na masawata ang pamumuslit ng mga walang dokumentong transaksyon ng pagpasok sa mga bangus mula sa ibang probinsya upang mapigilan ang mas malaking problema lalo na sa pagkonti ng bilang na ng bangus mula sa siyudad.
Ayaw rin umano nilang mawala ang nakagisnan ng kilalang Dagupan bangus na isa sa itinururing na pinakamasarap na bangus sa ating bansa.
Matatandaang ilang tonelada na rin ng mga bangus mula sa labas ng lalawigan ng Pangasinan ang illegal na ipinapasok sa mga pamilihan partikular sa lungsod ng Dagupan upang ibenta sa mas murang halaga.