Dagupan City – Inaasahang makapagpo-produce ang naturang hatchery ng humigit-kumulang 100 milyong similya ng bangus na aalagaan sa mga palaisdaan at kalauna’y magiging fingerlings.

Ayon kay Cristopher Aldo Sibayan, Pangulo ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), ito’y matapos na isagawa ang isang public consultation kaugnay sa planong pagtatayo ng bangus breeding hatchery sa bayan ng Bolinao.

Aniya, malaki umano ang maitutulong nito sa kabuuang produksyon ng bangus sa lalawigan, lalo na’t tinatayang 17 lokal na pamahalaan ang direktang makikinabang sa proyekto.

--Ads--

Aminado si Sibayan na patuloy na humaharap sa iba’t ibang hamon ang mga magbabangus, kabilang na ang mataas na singil sa kuryente at presyo ng gasolina, gayundin ang epekto ng mga bagyo na nakaaapekto sa produksyon.

Dagdag pa niya, layunin ng proyekto na maging mas matatag ang industriya at matugunan ang gastusin at sapat na suplay ng similya para sa mga magbabangus sa lalawigan.

Samantala, binanggit din ni Sibayan na apektado sa kasalukuyan ang pagpapalaki ng bangus dahil sa malamig na panahon, na nagiging sanhi ng mabagal na metabolismo ng mga isda.

Gayunpaman, tiniyak niyang may mga umiiral na teknolohiya na nakatutulong upang mabawasan ang epekto ng malamig na klima sa mga alagang isda.

Kaugnay nito, inaasahan naman ng SAMAPA na lalakas muli ang produksyon ng bangus pagsapit ng Marso.

Binigyang-diin ni Sibayan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng karagdagang kaalaman at makabagong teknolohiya upang mas mapalakas pa ang industriya ng bangus sa lalawigan.