DAGUPAN, CITY— Tadtad ng taga nang matagpuan ang bangkay ng mag-asawang pinaslang ng hindi pa natutukoy na mga suspek sa kanilang kubo sa Sitio Oling ng Barangay Hacienda sa bayan ng Bugallon.
Ayon kay Bugallon PNP chief P/Major Noel Cabacungan, natukoy ang mga biktima na sina Obaldo Rodrigo, 54 anyos at Wilma Rodrigo, 58 anyos na mga tubong Bicaol, Albay, caretaker sa lupang pagmamay-ari ng isang negosyante.
Napag-alaman base sa imbestigasyon na dakong madaling araw nagpunta sa kubo ng magasawang Rodrigo ang isang loader operator na kinilalang si Pascasio Salamat para makikape lang sana subalit tumambad sa kaniya ang bangkay ng mag-asawa na duguan at may mga taga sa ulo at ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Natagpuan sa loob ng bahay ang katawan ng biktimang si wilma habang 20 metro naman ang layo mula sa kubo narekober ang bangkay ni Obando.
Hindi naman natagpuan sa crime scene ang ginamit ng mga suspek sa krimen.
Nakipag ugnayan na rin ang kapulisan ng Bugallon sa SOCO para makakuha ng karagdagang ebidensiya mula sa crime scene.
Sa ngayon, may tinitignan ng anggulo sa posibleng motibo ng mga responsable sa krimen at may lumulutang na ring persons of interest sa nagpapatuloy na isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, ito na ang ikalawang insidente ng pananaga na naitala sa bayan ng bugallon kung saan case closed na o naresolba na ang unang krimen na nangyari naman sa barangay Pangascasan at naaresto na ang mga suspek at nasampahan na ng kasong murder. (with reports from: Bombo Everly Rico)