DAGUPAN, CITY— Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Asingan at Binalonan PNP upang mtukoy ang nasa likod ng pagkasawi ng 47 na ginang na natagpuang palutang-lutang sa isang irigasyon sa bayan ng Asingan.
Ayon kay PCpl. Albert Gomez ang duty investigator ng Asingan PNP, kanila nang sinisiyasat ang lahat ng posibleng mga anggulo at motibo sa pamamaslang sa biktima na kinilalang si Adelaida Bulanday na isang residente sa bayan ng Binalonan.
Aniya, nobyembre 1 pa nang matanggap ng Binalonan PNP ang isang blotter kung saan nawawala umano ang kanilang kaanak matapos itong umalis ng kanilang bahay bandang alas-2 ng hapon ngunit pagkaraan umano nito ay hindi na nila nakita pa ang biktima.
Kaya naman pagkaraan ng maisangguni ito ng mga kapulisan, noong Nobyembre 3 ay nagbigay ng flash alarm ang Binalonan PNP sa lahat ng mga police station sa lalawigan upang matulungan sila sa paghahanap sa biktima.
Saad pa ni Gomez, noong Nobyembre 6, nang maireport naman ng isang kapitan sa Barangay Subol sa kanilang bayan na mayroon silang natagpuang bangkay ng isang ginang na palutang-lutang sa isang irigasyon ay naisip niyang itawag ito sa Binalonan PNP dahil sa posibilidad na maaring ito ang hinahanap na kaanak ng mga nagpa-blotter.
Nang makuha nila ang detalye mula sa katuwang na estasyon, kinontak nila ang kaanak nito at nang makita nila ito, dito na nila nakumpirma na ito ang nawawala nilang pinsan sa pamamagitan ng kanyang mga dating tahi sa kanyang mga siko.
Sa isinagawang retrieval operation ng Asingan PNP at MDRRMO, napansin nila na ang biktima ay bloated na at maaring nakaranas din ng physical struggle bago ito tuluyang nasawi. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)