Palutang-lutang nang natagpuan ang bangkay ng 49-anyos na nawawalang mangingisda na pinaghahanap ng mga otoridad matapos nitong pumalaot at hindi na nakabalik sa bayan ng Labrador.
Ayon kay PCpt. Dexter Tayaba, OIC ng Labrador PNP, natagpuan ng Sual Maritime Police ang bangkay ng biktima na si Rolando Sindayen Sr. na palutang-lutang sa territorial sea water ng barangay Tubuan, Labrador.
Natagpuan ang katawan nitong limang kilometro ang layo mula sa shoreline ng naturang dagat at sa eksaminasyon sa katawan nito ay walang nakitang sinyales ng foul play.
Napag-alaman din na noong gabing pumalaot ang biktima ay nakainom ito at maalon ang dagat kaya’t maaaring nahulog ito kasama ang fishing net na sanhi ng pagkalunod nito.
March 15, taong kasalukuyan nang napaulat na nawawala ang mangingisda at hindi na nakabalik sa kanilang tahanan kaya’t nagsagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad at nagpadala na rin ng flash alarm sa lahat ng police station sa buong sa Pangasinan upang matagpuan ito.
Matatandaan ding sa kaparehong araw ay natagpuan ang ginamit na bangka ng biktima sa barangay Sabangan sa bayan ng Sual na laman ang mga kagamitan nito ngunit wala rito ang biktima.
Ngayon ay naipaalam na sa pamilya ng biktima ang pagkakatagpo rito at kasalukuyan ng nasa funerarya ang bangkay nito.
Kaugnay nito, patuloy ang pagpapaalala ng mga otoridad sa fisherfolks patungkol sa pag-iingat sa paglalayag at huwag ipilit na lumaot kapag masama ang panahon.