Dagupan City – Narekober ng magkasanib na rescue teams ang katawan ng isang 17-anyos na binatilyo na nalunod sa Barangay San Vicente West sa Asingan, matapos ang isinagawang search and retrieval operation na tumagal mula gabi ng Enero 23 hanggang umaga ng Enero 24, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Aikee Merca Gaano, residente ng Villasis na napaulat na nawawala habang lumalangoy sa nasabing lugar.
Batay sa opisyal na ulat, iisa lamang ang indibidwal na sangkot sa insidente at walang naiulat na kasama nito.
Agad na rumesponde ang RTV Shift A ng Asingan Fire Station matapos maiulat ang insidente at nagsagawa ng paunang scene assessment sa lugar.
Isinagawa rin ang koordinasyon sa iba pang ahensiya upang tiyakin ang maayos at ligtas na operasyon.
Nasa kabuuang limang ahensiya ang lumahok sa search and retrieval operation, kabilang ang Philippine National Police (PNP) Asingan, Asingan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), at ang San Roque Power Corporation (SRPC) Coast Guard, bukod sa Bureau of Fire Protection (BFP) ambulance team.
Matapos ang masusing paghahanap, matagumpay na narekober ang biktima ngunit sa isinagawang medical assessment ng mga responder, kumpirmadong wala na itong pulso at paghinga.
Kaugnay nito, isinuko naman ang bangkay ng biktima sa PNP Asingan para sa kaukulang imbestigasyon at proseso.
Opisyal namang nagtapos ang operasyon matapos matiyak ang kaligtasan ng lahat ng responder at makumpleto ang kinakailangang mga hakbang.
Samantala, Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pangyayari na nagdulot ng pagkalunod at nagpaalala sila sa publiko upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.










