Nagresulta ng pagkasugat ng 5 indibidwal kabilang ang 3 menor de edad ang nangyaring banggaan ng 2 sasakyan na nangyari ng gabi sa Barangay Road ng Brgy. Silag sa bayan ng Natividad.

Minamaneho ng 26-anyos na isang babae, may asawa, walang trabaho, at walang lisensya ang isang itim at bughaw na tricycle na walang plaka kasama ang tatlong menor de edad na pasahero.

Nakabanggaan niya ang isang orange na motorsiklo na minamaneho ng isang 31-anyos, may asawa, construction worker na residente sa bayan ng Tayug kung saan ito ay walang lisensya at hindi nakasuot ng helmet.

--Ads--

Lumabas sa imbestigasyon na ang tricycle ay bumabagtas sa daan patungo sa silangan, habang ang motorsiklo naman ay dumadaan sa kabaliktarang direksyon.

Nang makarating sa lugar ng insidente, um-overtake ang motorsiklo sa tricycle at hindi napansin ang paparating na motorsiklo dahilan upang magbanggaan sila sa kabilang lane.

Dahil sa lakas ng impact, parehong tumumba sa sementadong kalsada ang mga sasakyan kasama ang mga sakay nito.

Nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang lahat ng sangkot kaya dinala ng
g mga rumespondeng tauhan ng PNP sa Eastern Pangasinan District Hospital sa bayan ng Tayug para sa agarang lunas.

Samantala, patuloy namang inaalam ang danyos ng mga nasirang sasakyan na pansamantalang nasa kustodiya ng Brgy. Silag.

Patuloy namang tinututukan ng mga kapulisan ang kaso upang mapag-usapan ng dalawang panig para mapagkasunduan ang pangyayari.