Natukoy na ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng banggaan ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng New De Venecia Road sa Barangay Lucao dito sa lungsod ng Dagupan.

Kinasasangkutan ito ng 1 tricycle na garong, kotse na vios at SUV Fortuner na naganap bandang 6:30 ng gabi noong Hulyo 11, 2026 habang maulan sa nasabing kalsada sa harapan ng Solid North Garage.

Ayon kay PCPT Vladimer Custer Austria, OIC Station Commander ng DCPO Police Station 4 na hindi naman nakainom ang mga drayber na sangkot kung saan nakikitang dulot ito ng madulas na daan at human error.

--Ads--

Aniya na wala namang malalang nangyari sa mga indibidwal na sakay ng mga nasabing sasakyan.

Ipinaliwanag nito na batay sa imbestigasyon, papunta sa parehong direksyon sa silangan ang SUV Fortuner at tricycle na garong nang subukan ng drayber ng SUV na mag-overtake sa kanang bahagi ng kalsada.

Nawalan ito ng kontrol at tumama sa tricycle, na nagtulak dito papunta sa kabilang linya kung saan ito ay tumaob at bumangga sa paparating na kotse.

Wala namang natamong sugat ang mga sakay ng SUV at Kotse, ngunit ang drayber ng garong at ang kasama nitong menor de edad ay dinala agad sa Region I Medical Center para sa lunas.

Saad ni Pcpt. Austria, nakalabas na sa ngayon sa pagamutan ang dalawang biktima na nagtamo ng sugat habang nagkaroon na umano ng kasunduan ang bawat panig para sumagot sa mga gastusin at iba pang pangangailangan ng mga biktima.

Ibinahagi naman nito na may mga kaso na ng aksidenteng naitatala ng kanilang opisina sa ibat ibang parte ng kanilang nasasakupan pero ito ang pinakamalala ngayong Hulyo.

Samantala, nagpaalala naman ito sa mga motorista na mag-ingat sa pagpapatakbo ngayong maulan at madulas ang daanan, siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang preno at gulong bago bumiyahe at kinakailangang sumunod sa mga batas trapiko at palatandaan sa kalsada para makaiwas sa anumang uri ng aksidente.