DAGUPAN CITY- Muling nasaksihan ang lakas, disiplina, at diwa ng pagkakaisa ng mga Binmalenian sa matagumpay na pagdaraos ng BANCA KARERA 2026 nitong Enero 28, 2026.

Maagang nagsimula ang makasaysayang paligsahan sa kahabaan ng ilog na sakop ng BIEC at LOMBOY, malapit sa Maphilindo Bridge.

Nilahukan ang karera ng mga kwalipikadong mananagwan mula sa Binmaley at karatig-lugar na nagpamalas ng husay sa pagsagwan at tibay ng katawan.

--Ads--

Dalawang kategorya ang binuksan sa paligsahan, ang Individual Category na bukas sa mga kalalakihan at ang Mixed Double Category na binubuo ng tig-isang lalaki at babae bawat entry.

Sa Individual Category, nasungkit ang unang puwesto ni Ragul Gabot, sinundan nina Romar Ramos sa ikalawang puwesto at Willy Melendez sa ikatlo.

Nagtapos naman sa ikaapat at ikalimang puwesto sina Clarence Melendez at Michael Vegiga.

Samantala, sa Mixed Double Category, nanguna ang tambalang Ronel Ramos at Janice Ferrer.

Pumangalawa sina Michael Pacunio at Claren Castronuevo, habang ikatlo naman ang duo nina Ronald Melendez at Marivic Melendez.

Nagtapos sa ikaapat na puwesto sina Glemon Tomas at Maribel Solano.

Bukod sa karangalan, naghihintay rin ang mga papremyo para sa mga nagwagi sa bawat kategorya bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at dedikasyon.

Pinuri rin ng mga manonood ang maayos na daloy ng paligsahan at ang ipinakitang sportsmanship ng lahat ng kalahok.

Ang BANCA KARERA 2026 ay bahagi ng patuloy na pagsulong ng mga aktibidad pampalakasan sa Binmaley na layong palakasin ang samahan ng komunidad at itaguyod ang disiplina, pagkakaisa, at pagmamahal sa lokal na kultura at tradisyon sa pamamagitan ng isports sa tubig.