Dagupan City – Pinaalalahanan ng Ban Toxics ang publiko sa ligtas na paggamit ng pintura at kandila sa araw ng Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Antonio Dizon, Campaigner ng Ban Toxics, na simula pa noong bahagi ng Oktubre ay nagsimula nang maglinis at magpintura ang ilang mga kababayan sa mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay bilang paghahanda sa Undas.
Gayunman, nagbabala rin siya hinggil sa paggamit ng mga pintura na maaaring naglalaman ng inorganic lead, isang kemikal na nakalalason sa tao.
Ayon kay Tony, mayroon nang mga tinatawag na certified lead-safe paints sa merkado- mga kilalang brand na napatunayang ligtas gamitin, lalo na sa mga pampublikong sementeryo.
Kasabay nito, nagpapatuloy din ang monitoring ng mga awtoridad sa iba pang produkto gaya ng mga kandilang ginagamit tuwing Undas.
Aniya, ito ay may kinalaman hindi lamang sa usaping toxic chemicals kundi pati na rin sa lumalaking problema sa basura sa mga sementeryo taon-taon.
Dagdag pa ni Tony, marami pa rin ang gumagamit ng disposable materials gaya ng styrofoam at plastic bottles na iniiwan pagkatapos bumisita sa mga puntod.
Kaya naman, hinihikayat ng mga otoridad ang publiko na gumamit ng reusable o washable na gamit at iuwi ang mga ginamit na pagkain at dekorasyon upang mapanatiling malinis ang paligid.
Samantala, pinaalalahanan din ang mga magulang na maging maingat sa pagpili ng Halloween costumes, masks, at face paints para sa kanilang mga anak.
Batay sa mga pagsusuri, ilan sa mga produktong ito ay may mataas na antas ng lead at cadmium-mga kemikal na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng bata.
Kaugnay nito, ginugunita ngayong linggo ang International Lead Poisoning Prevention Week, na layuning tuluyang alisin ang paggamit ng mga materyales sa kanilang kapaligiran.
Paalala ng mga awtoridad na maging responsable sa pagdiriwang ng Undas at Halloween na panatilihin ang kalinisan, gumamit ng ligtas na produkto, at iwasan ang mga nakalalasong kemikal upang maging payapa, masaya, at ligtas ang paggunita ng mga mahal sa buhay.