BOMBO DAGUPAN — Ibinahagi ni BAN Toxics Campaigner Thony Dizon na matagal nang ipinagbabawal ang pagbebenta ng “shrilling chickens” at iba pang mga squeaky toys na hindi awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na noon pang 2020 nagsimula ang pagbabawal sa pagbebenta ng mga nasabing produkto dahil ang mga ito ay naglalaman ng matataas na lebel ng phthalates.

Ang phthalates ay isang uri ng mapanganib na kemikal na nakakasira sa endocrine system ng isang indibidwal.

--Ads--

Saad ni Dizon na simula umpisahan nila ang kanilang kampanya laban sa mga naturang laruan ay hindi rin sila tumigil sa pag-monitor sa bentahan nito.

Aniya na pasulpot-sulpot kasi ang mga ito sa mga pamilihan at ngayon ay may iba’t iba na itong color variations at kanilang mga porma.

Paliwanag pa nito na napakadelikado ng laruan dahil hindi lamang sa pammagitan ng indigestion maaari itong makasama sa katawan, subalit maging sa inhalation at dermal ay nae-expose ang isang indibidwal sa masasamang mga kemikal na nilalaman ng mga shrilling chicken toy.

Kaugnay nito, sa kanilang pag-iikot ay namonitor ng kanilang samahan na talamak ang bentahan nito sa mga lungsod ng Tuguegarao, Tacloban, at lalong lalo na aniya sa kalakhan ng Metro Manila at maging sa ilang mga pamilihan sa lungsod ng Dagupan.

Mas nakalulungkot pa aniya na dahil napakamura ng presyo nito sa mga pamilihan sa Metro Manila ay lalong nailalagay sa peligro ang buhay ng mga bata na mga abot-kayang laruan lamang ang kayang bilhin para sa kanila ng kanilang mga magulang.

Nakadidismaya rin ani Dizon na bagamat ipinagbabawal na ay patuloy pa rin na naibebenta sa publiko ang mga ganitong klase ng laruan sa mga pamilihan sa bansa.

Aniya na may kinakailangan talaga na istriktong maipatupad na mga regulasyon sa bansa kaugnay sa mga ipinagbabawal na laruan lalo na’t mga bata ang pangunahing nailalagay sa peligro dahil sa mga ito.

Samantala, isa rin naman aniya ang mga online shopping platform sa kanilang mga binabantayan pagdating sa pagbebenta ng mga shrilling chicken toy.

Isa rin aniya ito sa kanilang mga iginigiit na mas lalo pang paghigpitan lalo na’t dumadami ang iba’t ibang klase ng mga online market kung saan ay talamak din ang bentahan ng mga nasabing laruan.