BOMBO RADYO DAGUPAN — Patuloy ang isinasagawang pag-monitor ng BAN Toxics sa presyo ng mga school supplies sa pamilihan. Ito ay sa gitna ng lalong papalapit na panibagong taong panuruan sa darating na Hulyo 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Antonio “Thony” Dizon, Campaigner ng nasabing organisasyon, sinabi nito na bagamat hanggang sa pag-monitor lamang ng iba’t ibang mga pamilihan ng school supplies ay hindi naman sila tumitigil sa pagpapaalala sa publiko sa mga produkto na maaaring nagtataglay ng mapanganib na kemikal.
Aniya na karamihan kasi sa mga namonitor nilang school supplies ay hindi kumpleto at madalas ay walang kahit na anong impormasyon tungkol sa produkto.
Dahil dito ay madalas na walang nagsisilbing gabay sa mga magulang na namimili ng mga kagamitan para sa kanilang mga anak.
Ilan naman sa mga school supplies na nakitaan nila ng mataas na lead content ay ang kiddie backpack.
At dahil hindi kaagad nakikita o napapansin kung mayroon mang lead content ang isang produkto, ang tanging maipapayo lamang nila sa mga konsyumer ay huwag masyadong mahikayat sa ganda, halaga, at disenyo ng mga mabibiling bag.
Dapat ding kilatising mabuti kung may nababakbak na kulay o parte sa mga mabibiling produkto na maaaring indikasyon ng nilalaman nitong mapanganib na kemikal.
Dito pumapasok ang kalahagahan ng kumpletong product information nang sa gayon ay mabilis na malaman kung saan gawa ang mga school supplies at ang pinanggalingan nilang bansa.
Sa pamamagitan nito ay mas madali ring malaman kung sino ang manufacturer na maaaring balikan sa oras na mapatunayang nagtataglay ng mapanganib na kemikal ang ginamit na ingredients sa paggawa ng mga nasabing produkto.
Gayunpaman ay nananawagan sila sa Department of Trade and Industry (DTI) na mas paigtingin ang monitoring sa bentahan ng school supplies dahil sila ang may kakayanan na kilatisin at kilalanin ang mga lehitimong manufacturers at kung ang mga mabibiling produkto ay rehistrado at pumasa sa pamantayan ng kaligtasan sa bansa.
Payo naman nito sa mga magulang na bibili ng mga gamit ng kanilang anak ay mas piliin na lang ang mga bag na gawa sa tela kaysa sa gawa mula sa synthetic materials. Aniya na bagamat hindi kasing nakakaengganyo sa mga bata ay mas makatitiyak naman sila na ligtas ito sa kanilang kalusugan.
Pagdating naman sa ibang mga kagamitan ay kilatising mabuti ang kanilang product information, at kung may mas kilalang mga brand ng lapis, papel, ballpen, pambura, coloring pens, at iba pa ay mas tangkilikin na lamang ito dahil mas nakasisigurong sumunod ang mga ito sa safety standards ng bansa.
Gayunpaman, mas mainam pa rin kung maglalabas ang mga regulatory agencies gaya na lamang ng Food and Drug Administration (FDA) at DTI, ng listahan ng mga manufacturers at produkto na dumaan sa tamang proseso upang makatiyak ang publiko sa pagbili ng mga ligtas na kagamitan para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.