Dagupan City – Nanawagan ang environmental group na BAN Toxics sa publiko na maging mas mabusisi sa pagbili at paggamit ng mga paputok at torotot, lalo na ngayong nalalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon kay Tony Dizon, campaigner ng BAN Toxics, karaniwan na sa merkado ang mga torotot na gawa sa plastik na maaaring naglalaman ng mapanganib na kemikal.

Kamakailan lamang aniya ay nakapagsagawa sila ng obserbasyon kung saan may ilang torotot na may sangkap na lubhang nakakasama sa kalusugan.

--Ads--

Paliwanag ni Dizon, ang exposure sa kemikal ay kadalasang matagal bago maramdaman ang epekto, subalit sa kaso ng torotot, mas mabilis ang panganib dahil ito ay isinusubo.

Dahil dito, iminungkahi niyang isama sa mahigpit na pagbabantay ang mga ganitong produkto upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili, lalo na ng mga bata.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paggamit ng alternatibong pampaingay sa loob ng bahay, sa halip na paputok na delikado hindi lamang sa kalusugan kundi pati sa kaligtasan ng komunidad.

Kasabay nito, hinikayat ng BAN Toxics ang pagsuporta sa community fireworks display na isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan, dahil mas kontrolado at mas ligtas umano ito kumpara sa indibidwal na paggamit ng paputok.

Samantala, nanawagan din ang BAN Toxics sa Philippine National Police (PNP) at iba pang regulatory agencies na paigtingin ang monitoring at enforcement laban sa ilegal na paputok bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Layunin nito na maiwasan ang mga aksidente at maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.