Dagupan City – Nagbabala ang Ban Toxics, hinggil sa mga ibinebentang turutot na umano’y naglalaman ng mapanganib na chemical content, lalo na ang mga makukulay at kaakit-akit sa mga bata.
Ayon kay Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxics, itinuturing na laruan ang turutot kaya dapat itong sumunod sa mga patakaran at regulasyon, kabilang ang tamang paggamit ng kemikal at wastong labeling ng produkto.
Ipinaliwanag niya na ang mga laruan ay saklaw ng Republic Act 10620 o Toy and Game Safety Labeling Law, na naglalayong protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga bata. Dahil dito, pinaalalahanan ni Dizon ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at tiyaking ligtas ang mga laruan na kanilang ginagamit.
Samantala, nagbigay rin ng babala si Dizon tungkol sa mga paputok, na aniya’y delikado lalo na sa mga kabataan dahil sa taglay nitong kemikal.
Dagdag pa niya, posibleng dumami ang mga ilegal na paputok sa merkado na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.










