DAGUPAN CITY—Nagbabala ang environmental group na Ban Toxic hinggil sa posibleng panganib sa kalusugan at kalikasan ng ilang Valentine’s gift items na kasalukuyang mabibili sa merkado, lalo na ang mga gawa sa plastic at may kasamang electronic components.

Ayon kay Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxic, nagsagawa sila ng monitoring sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kabilang ang Makati, Manila, Caloocan at Quezon City. Kabilang sa mga produktong kanilang nabili ang maliliit na bouquet na gawa sa plastic, ilang may kasamang electronics na umiilaw, stuffed toys, tsokolate at mga nakapackage na regalo.

Ayon kay Dizon, sa kanilang pagsusuri ang mga plastic na bulaklak at dekorasyon ay maaaring magtaglay ng kemikal na lead na posibleng makapinsala sa kalusugan at kapaligiran, lalo na kapag itinapon matapos magamit.

--Ads--

“Ang tendency kasi nito, itatabi mo o kapag naluma, posibleng itapon mo,” aniya, sabay paalala na ang ganitong uri ng basura ay maaaring magdulot ng dagdag na problema sa kapaligiran.

Bagama’t mas mura at mas tumatagal kumpara sa natural na bulaklak, iginiit ng Ban Toxic na dapat pa ring isaalang-alang ang epekto nito sa kalikasan.

Iminungkahi ni Dizon ang mas makakalikasang paraan ng pagdiriwang ng Valentine’s Day. Aniya, hindi kailangang gumastos nang malaki upang maipakita ang pagmamahal.

Maaaring gumamit ng iba pang uri ng bulaklak na mas abot-kaya at available sa lokal na komunidad, o kaya’y maging malikhain sa pagbuo ng bouquet gamit ang mga halaman. Maaari ring piliin ang mga produktong handmade at gawa sa natural materials, o suportahan ang mga lokal na gumagawa ng ganitong mga regalo.

Bukod dito, iminungkahi rin niya ang pagdiriwang sa mga nature park o sa sariling tahanan, tulad ng pagluluto para sa mahal sa buhay o pagsulat ng liham at tula. Paalala rin niya na iwasan ang paggamit ng disposable items upang mapanatili ang kalinisan sa mga lugar na pupuntahan.

Sa huli, binigyang-diin ni Dizon na ang diwa ng Valentine’s Day ay hindi nasusukat sa mamahaling regalo kundi sa pagpapakita ng pagmamahal—hindi lamang sa kapwa kundi pati sa kalikasan.