Dagupan City – Muling magbabalik sa klase ang mga mag-aaral matapos ang holiday season.
Ayon kay Ruby Bernardo, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), wala umanong dapat ipangamba ang mga estudyante sa mga araling naiwan dahil siniguro ng mga guro na natapos ang mga leksyon bago pa man magsimula ang bakasyon.
Kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase, buo ang panawagan ng ACT na itaas ang sahod ng mga guro upang makamit ang isang nakabubuhay na kita.
Aniya, matagal nang isinusulong ng sektor ng edukasyon ang makatarungang kompensasyon para sa mga guro na patuloy na nagsisilbi sa kabila ng mabibigat na tungkulin.
Binalikan din ni Bernardo ang naging adjustment noong nakaraang taon kung saan unti-unting bumalik sa ayos ang iskedyul ng klase.
Dahil dito, inaasahang tuluyan nang maibabalik ang regular na school year.
Isa rin sa mariing panawagan ng ACT ang buong pagbibigay ng Service Recognition Incentive (SRI) sa mga guro.
Ayon kay Bernardo, umabot sa ₱161 bilyon ang inilaan na pondo—isang historic na halaga—na lalo pang nadagdagan matapos ang bicameral conference committee.
Patunay umano ito na kinikilala ng pamahalaan ang tunay na pangangailangan ng sektor ng edukasyon.
Hiniling din ng ACT ang mas malaking tulong sa mga paaralan para sa malaking dagdag sa mga silid-aralan, gayundin ang pagkuha ng mas maraming guro.
Sa kasalukuyan, anila, napipilitan nang mag-multitask ang mga guro na nagiging hadlang sa mas tutok na pagtuturo sa mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Bernardo na kahit may planong pagdagdag ng mga guro sa 2026, hindi pa rin ito sasapat dahil umaabot pa rin sa mahigit 35 estudyante ang hawak ng isang guro.
Para sa 2026, inaasahan ng ACT na matupad ang kanilang panawagan na ₱50,000 sahod para sa Teacher I at ₱36,000 para sa Salary Grade 1, na ayon sa kanila ay malaking tulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga guro at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.










