Mabentang mabenta ang pambihirang tinapay sa isang bakery sa Thailand.
Matagal nang bahagi ng French cuisine ang tinapay na croissant ngunit marami ang nagulat sa pambihirang “hairy croissants”.
Ibinahagi ni Arthit Chomsawat, may-ari ng sikat na Saiwan Bake House sa Pattaya, na ang nagti-trend nilang tinapay ay hango sa isa pa nilang kakaibang pastry na tinatawag na “hairy cake”.
Mabilis na nag-viral sa iba’t ibang bansa ang kanilang mga croissant matapos itong itampok ng French media outlet na Prisme.
Nilagyan sa ibabaw ng fat choy o itim na seaweed na tila buhok at karaniwang ginagamit sa mga lutuing Asyano, ang hairy croissant ay nagdulot nang mainit na debate sa social media.
Para sa ilan, hindi maganda ang hitsura nito dahil sa kakaibang pagkakahawig ng lumot sa pubic hair.
Sa kabilang banda, natuwa naman ang iba sa nakaaaliw na biro nito at pinuri pa ang panaderya dahil sa kanilang pagiging malikhain at orihinal.
Sa kabila ng magkakahalong reaksiyon at batikos, patuloy na mabilis na nauubos at mabentang-mabenta ang mga mabuhok na croissant dahil dinadagsa ngayon ang Saiwan Bake House ng mga open-minded na lokal at turistang labis na naiintriga at nais sumubok sa kakaibang tinapay na ito.










