Bahagyang dumami ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, may dalawang pangunahing dahilan sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mahihirap sa bansa.
Una, ang kakulangan ng trabaho para sa mga Pilipino, at nahihirapan ang pamahalaan na lumikha ng sapat na oportunidad sa trabaho dahil sa kakulangan ng suporta at epektibong programa.
Ikalawa, binigyang-diin din niya ang malaking epekto ng pagbagsak ng piso laban sa dolyar sa ekonomiya ng bansa.
Aniya, nagdudulot ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at dagdag na pasanin sa mga mamamayan.
Habang tumataas ang presyo ng pagkain, gamot, at edukasyon, lalong nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino na makasabay.
Tinuligsa rin ni Africa ang kakulangan ng mga programa sa ayuda at ang maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Giit niya, marami sa mga pondong dapat ay para sa mahihirap ay napapasakamay ng mga politiko.
Kayat kailangang ihinto ito at ibigay ang ayuda sa mga tunay na nangangailangan.
Ayon sa Ibon Foundation, kinakailangan ng matino at maayos na serbisyong pampubliko upang mapababa ang gastusin ng mga Pilipino, lalo na sa kalusugan at edukasyon.
Nanawagan ito na bigyang solusyon ng pamahalaan ang mga pangunahing ugat ng kahirapan upang mapabuti ang kabuhayan ng mga mamamayan at matugunan ang lumalalang problema sa ekonomiya.
 
		









