DAGUPAN CITY- Kapansin-pansin ang bahagyang pagbaba ng lebel ng tubig sa Marusay River sa bayan ng Calasiao, ngunit ayon kay Kristine Joy Soriano, LDRRMO III ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), hindi pa ito umabot sa nakaka-alarmang lebel.
Aniya, na patuloy pa rin ang daloy ng tubig, at hindi pa umaabot sa punto na nawawalan na ito ng tubig.
Sa kasalukuyan, nasa normal na lebel ang tubig sa ilog at hindi pa nito naabot ang monitoring system na ginagamit ng mga awtoridad.
Wala pa naman aniya silang natatanggap na ulat ng kakulangan ng tubig mula sa mga magsasaka.
Binigyang-diin ni Soriano na sa kabila ng mainit na panahon, hindi pa nararanasan na matuyuan ang Marusay River, at patuloy pa ring makikinabang ang mga magsasaka sa kanilang mga tanim, lalo na’t nakatulong ang maagap na pagtatanim para sa kanilang 2nd crop.
Karamihan umano sa mga magsasaka ay nakapag-ani na, kaya’t hindi na gaanong apektado ang kanilang mga pananim ng init ng panahon.
Gayunpaman, ayon aniya sa mga personel mula sa Agriculture Office ng nasabing bayan, patuloy nilang binabantayan ang kalagayan ng ilog at ng mga magsasaka upang matiyak ang kanilang patuloy na produksyon sa kabila ng hamon ng init ng panahon.