Tuluyan nang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Jacinto ngayong Huwebes ng hapon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa ulat, taglay ni Jacinto ang lakas ng hangin na 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 km/h.
Habang umalis naman ito ng PAR kaninang alas-5 ng hapon at inaasahang tutungo sa direksyong west-northwest patungong hilaga o gitnang bahagi ng Vietnam, kung saan posibleng mag-landfall sa Sabado ng hapon o gabi.
Bagamat nasa labas na ng PAR, nilinaw ng state weather bureau na magdadala pa ang ”trough” ng bagyo ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan, Isabela, Zambales, at Bataan.
Kung saan ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may panaka-nakang pag-ulan sa natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon.
Samantala, patuloy ding iiral ang Southwest Monsoon (Habagat) na magdadala ng ulan sa Western Visayas, Negros Island Region, Occidental Mindoro, at Palawan. Apektado rin nito ang Metro Manila at ibang bahagi ng bansa.
Nagbabala naman ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan.