DAGUPAN, CITY— Magdudulot pa rin ng mahina hanggang sa malakas na buhos na ulan ang ilang mga bayan at siyudad sa lalawigan ng Pangasinan na nakataas sa tropical storm signals dahil sa bagyong Dante.

Ayon kay Jose Estrada, Jr. Chief ng PAG-ASA Dagupan, aasahang ngayong araw, makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan sa lungsod ng Dagupan habang ilang mga mga bayan at siyudad naman sa western portion ng lalawigan ang makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Sa kanila kasing pinakahuling weather update, nakataas ang signal number 2 ang ilang mga lugar sa probinsya gaya ng bayan ng Dasol, Mabini, Burgos, Agno, Bani, Bolinao, Anda at siyudad ng Alaminos. Habang signal number 1 naman sa central portion ng Pangasinan gaya na lamang ng bayan ng Bugallon, Lingayen, Binmaley, Mangaldan, Calasiao, Aguilar, Mangatarem, Dagupan City, at San Carlos City.

--Ads--

Maging ang northwestern portion ng lalawigan gaya na lamang ng bayan ng Urbiztondo, Labrador, Infanta, San Fabian, at Sual ay makakaranas din ng nabanggit na tropical storm signal.

Saad pa ni Estrada, bagaman may mga nakataas pa na tropical storm signals sa ilang parte ng lalawigan ng Pangasinan, aasahan umano na sa mga susunod na mga araw ay hihina na rin ang naturang bagyo.

Paalala naman niya sa publiko na laging mag-monitor sa pinakabagong update ng kanilang tanggapan ukol sa mga weather phenomena na papasok lalo na sa lalawigan.