BOMBO DAGUPAN- Bukas sa demokratikong konsultasyon.

Ito ang naging pahayag ni Vladimer Quetua, Chairperson, Alliance of Concerned Teachers Philippines, sa Bombo Radyo Dagupan, kaugnay sa bagong uupong kalihim ng edukasyon, maging sino man ito.

Hindi kase aniya nila ito naramdaman sa nakaraang pag-upo ni Vice President Sara Duterte-Carpio bilang kalihim ng Department of Education.

--Ads--

Sinabi din ni Quetua, maliban sa nabanggit, dapat bukas din ito sa kanilang pagchallenge kaugnay sa Matatag Curriculum at budget sa edukasyon.

Gayunpaman, wala pa aniya silang masasabing pagtutol kung tunay ngang si Sen. Sonny Angara ang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Subalit, hinihiling nila na dapat ay may naging karanasan ito sa pagiging parte ng edukasyon upang maunawaan nito ang kalagayan ng sektor.

Sa pamamaraang ito, matutukoy umano ang mga kakulangan sa isang silid-aralan at mabibigyan ito ng nararapat na aksyon.

Kaugnay nito, importante aniyang makonsulta muna ang mga mahahalagang stakeholders bago piliin ang uupong kalihim, subalit, ikinalulungkot ni Quetua na kinakalimutan ang opinion nila bilang mga guro.

Samantala, krisis sa edukasyon ang nais ng kanilang alyansa na bigyang pansin ng bagong uupong kalihim.

Dapat din na mapag-usapan at mapag-aralan mabuti ang pagpapatuloy ng Matatag Curriculum.

Importante din aniyang marinigan ito ng kaniyang pagsuporta sa pagtaas sahod ng mga guro at sektor ng edukasyon.