Dagupan City – Mas mabilis na pagresponde at pagtugon sa mga krimen ng San Manuel Police Station sa lalawigan ng Tarlac ang inaasahan dahil sa kamakailang pagpapasinaya sa Bagong Sub-Station sa kanilang nasasakupan.
Matatagpuan ito sa Barangay Legaspi na nasa hilagang bahagi ng nasabing bayan.
Ayon kay PCpt Zosimo R Exala, Jr. ang Officer in Charge ng nasabing himpilan na may nakatalaga na ditong 4 na pulis na siyang tututok sa mga posibleng kriminalidad na maaring maganap sa parteng ito.
Aniya na makakatulong ito sa kanilang hanay dahil nasa strategic location ito kung saan sa kabuuang 15 barangay na sakop ng bayan ng San Manuel ay may mga barangay parin sa northern portion ang nangangailangan ng police presence o police visibility.
Sa pamamagitan ng pagkakaroon nito ay hindi na kailangang pumunta sa mismong police station sa town proper kapag may nais ireport na mga krimen, insidente o pangyayari dahil maari na silang sumangguni dito.
Dahil dito, lubos ang pasasalamat ng kanilang hanay sa Local Government Unit sa ganitong proyekto dahil nagpapakita ito ng pagmamalasakit sa bawat mamamayan upang masiguro ang kapakanan ng kanilang nasasakupan sa kanilang seguridad.
Samantala, patuloy aniya ang kanilang ginagawang roving sa mga barangay malapit dito at nasabihan na sila na kung may problema ay agad dumako dito upang agad silang matulungan.