Itinuturing na panibagong banta sa mga mamamayan ng South Africa ang bagong diskubre na Covid-19 variant na Omicron
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International Correspondent Kennedy Saitoti Letikirish sinabi nitong nanganganib ang milyon milyong Africans dahil ang naturang variant ay mas mapanganib kung ihahambing saiba pang mga strain ng Covid-19.
Pagsasaad nitong inakala nilang tapos na ang pagkakaroon ng surge ng Covid-19 sa kanilang bansa dahil sa mas bumaba ang bilang ng naitatalang kaso ng virus.
Matatandaang unang naitala ang variant B.1.1.529 sa South Africa na itinuturing na ngayon ng World Health Organization bilang “Variant of Concern” dahil ang nasabing strain ng COVID-19 ay indikasyon na maaaring mas nakakahawa o hindi gaanong tinatablan ng bakuna.
Dagdag naman nito na inasahan na ng kanilang pamahalaan na magkakaroon ng fourth wave ng Covid-19 dahil sa mababang vaccination rate na kanilang naitatala.
Aniya inanunsyo na rin ni South African Health Minister Joe Phaahla ang mga travel restrictions sa mga lugar. Ilan pa sa mga inilatag na panuntunan ay pagsasagawa ng mandatory 10 day quarantine sa mga magkakaroon ng travel history.
Sa ngayon ay mas binibigyang pansin na ang mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, paggamit ng hand sanitizers at social distancing.