Maaaring maglabas ang Department of Agriculture (DA) ng bagong maximum suggested retail price (MSRP) para sa imported na bigas sa lalong madaling panahon, habang inaasahang bababa ang retail prices sa loob ng buwan.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., isasaalang-alang sa bagong MSRP ang kasalukuyang international rice prices at ang umiiral na palitan ng piso. Aniya, patuloy pa ang pagsusuri upang matukoy ang tamang presyo.

Ang kasalukuyang P43 kada kilo na MSRP, paliwanag ni Tiu Laurel, ay batay sa naunang volume ng imported rice na dumating bago ang apat na buwang rice import moratorium. Sa bagong MSRP, pinag-aaralan ng DA ang iba’t ibang uri ng bigas sa gitna ng paghina ng piso at pabago-bagong gastusin sa pandaigdigang merkado.

--Ads--

Sinabi niya na ang makatuwirang price range ay nasa pagitan ng P46 at P48 kada kilo at hindi lalampas sa P50.

Batay sa DA Bantay Presyo, umaabot sa P50 hanggang P62 kada kilo ang premium imported rice sa Metro Manila. Ayon kay Tiu Laurel, masyado itong mataas at pangunahing sanhi nito ang pagkaantala ng pagdating ng imported rice, kung saan karamihan sa inaasahang shipment para sa Enero ay dumating lamang noong huling linggo ng buwan.

Tiniyak naman ni Tiu Laurel na magsisimula nang bumaba ang retail prices ng bigas sa mga susunod na linggo kasabay ng pagdating ng imported rice.

Hanggang Pebrero 5, umabot sa 409,377 metric tons ang naitalang imported rice noong Enero, kung saan 361,421.59 metric tons ay regular rice.