Time management ang isa sa naging susi ni Engr. Kennan Avram Sangalang Cayanan – Rank 3 August 2025 Registered Electrical Engineer Licensure Examination upang makamit ang tinatamasang tagumpay sa katatapos lamang na pagsusulit.

Aniya hindi siya makapaniwala nang makita ang resulta ng board exam dahil abala ito sa paggawa ng pagkain sa kanilang kusina.

Laking gulat at tuwa niya nang malaman hindi lang siya pumasa kundi isa pa siya sa mga topnotchers sa buong bansa.

--Ads--

Ito ang kaniyang unang sabak para pagsusulit kaya’t hindi niya lubos inakala ang resulta.

Bagong graduate lamang si Cayanan noong Abril 2025 at agad na kumuha ng board exam sa buwan ng Agosto isang desisyong inilarawan niyang “medyo rush.”

Pinili niyang mag-review sa isang kilalang review center sa Baguio City, ngunit inamin niyang napakahirap ng proseso.

Pagbabahagi nito na ito na ang pinaka-stressful na bahagi ng kaniyang buhay subalit masasabi niyang “worth it” ang lahat.

Bagama’t hindi naging madali ang preparasyon, ngunit naging mahalaga ang suporta ng kanyang mga kasama sa pagrereview.

Laking pasasalamat niya din na lahat silang magkakaibigan ay pumasa.

Samantala, ibinahagi naman niya ang ilang tips sa mga future board exam takers:

Una, palaging magdasal para sa lakas at determinasyon, mahalaga din na mag-review kasama ang iba upang manatiling motivated, panatilihing malusog ang katawan magkaroon ng sapat na tulog, balanseng pagkain, at pahinga.

Huwag ding kakalimutan na maglaan ng oras at matutong mag-manage ng schedule upang maabot ang mga layunin o goals.

Sa ngayon, may mga kompanyang target si Cayanan na nais pasukan, pero dasal pa rin ang kanyang pangunahing sandata.