Dagupan City – Pinalawak ang serbisyong medikal sa bayan ng Malasiqui kasabay ng pormal na pagbubukas ng bagong ayos na Malasiqui Municipal Hospital (MMH) sa Barangay Cabatling.

Ang makabagong pasilidad ay sumasalamin sa layuning mapalapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan at tugunan ang lumalaking pangangailangan ng komunidad sa abot-kayang gamutan.

Pinangunahan ng mga opisyal ng pamahalaan, mga kawani ng ospital, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang pagbubukas ng pasilidad.

--Ads--

Isinagawa ang maikling seremonya bilang paggunita sa muling pagbuhay sa ospital na matagal ding hindi naging ganap na operasyonal.

Ibinahagi ng pamunuan ng MMH na bagamat limitado pa lamang ang serbisyong inihahatid nito ngayon, partikular sa outpatient at emergency services, puspusan na ang pagsusumikap na maisaayos ang mga kinakailangang dokumento at pasilidad upang ganap nang mabuksan ang buong ospital sa mga darating na buwan.