Nagpahayag ng matinding pagdududa at babala si Raymond Palatino, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hinggil sa integridad ng Senado sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte na nakatakda sa July 6.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binatikos ni Palatino ang mga usapin gaya ng paggamit ng online voting, na tinawag niyang isang “desperadong taktika” at posibleng pag-imbento ng mga panuntunan na labas sa tradisyon ng Senado para lamang protektahan ang Bise Presidente. Ayon sa kanya, mahirap asahan ang isang patas na paglilitis hangga’t nananatiling kontrolado ng mga alyado ng mga Duterte ang kapulungan.

Nagbabala rin si Palatino na bagama’t malayo pa ang July 6, marami pang pwedeng mangyari bago ang huling session day ng Kongreso sa June 3. Binanggit niya ang posibilidad na i-dismiss o i-archive ang reklamo bago pa man magsimula ang trial, gaya ng mga naunang pagtatangka.

--Ads--

Dahil dito, binigyang-diin ni Palatino na kailangang maging “kalahok sa proseso” ang taong bayan. “Kailangang huwag nating hayaan na ang impeachment hostage lang ng negosyasyon ng mga pulitiko,” giit niya, habang nananawagan ng masusing pagbabantay sa mga bagong ebidensya at testimonya.

Pinuna rin niya ang tila pagbabago ng pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa impeachment. Matatandaang noong nakaraang taon ay tahasang sinabi ng Pangulo na ayaw niya ng impeachment dahil ito ay “divisive,” ngunit ngayon ay tila aktibo na ang Malakanyang sa proseso.

Hamon ni Palatino sa administrasyon, huwag harangan ang presentasyon ng ebidensya at iwasan ang “double standard”. Aniya, kung paanong pinapanagot si VP Duterte ngayon sa kanyang mga pagkakamali, dapat ay handa rin si Marcos Jr. na harapin ang pananagutan sa taong bayan sa hinaharap.