DAGUPAN CITY- Isinasagawa na ng Land Transportation Office (LTO) ang malawakang distribusyon ng mga plaka para sa motorista na nagparehistro noong taong 2014-2017.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Danny Martinez, Regional Director ng LTO Region 1, makukuha ang mga ito sa mga malapit na opisina ng LTO habang ang mga nagparehistro sa taon na 2018 hanggang kasalukuyan ay makukuha ang mga ito sa mga dealers kung saan nabili ang motor.
Aminado naman si Martinez na nagkaroon ng pagkukulang ang LTO kaya nagkaroon ng backlogs sa pagbibigay ng mga plaka.
At para mapabilis ang pagbibigay, nakipagtulungan na ang kanilang tanggapan sa mga kapulisan at mga public officials upang maabisuhan ang mga motorista.
Nagkakaroon na rin ng extra efforts ang mga empleyado ng LTO para sa pamimigay ng mga plaka.
Target ng LTO Region 1 na makapag-distribute ng 288,000 na bilang ng mga plaka bago ang October 2025 na ibinigay na deadline.
Aniya, ang malawakang distribusyon ay bilang paghahanda sa pagpapatupad ng “No Plate, No Travel Policy.”
Maliban sa LTO, ang polisiyang ito upang makatulong sa Anti-Criminality Campaign ng Philippine National Police.