Hindi dapat isantabi ang babala ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio tungkol sa posibleng maging malaking bitag ang isinusulong na joint oil and gas exploration sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, walang mali sa sinabi ni Justice Carpio at tama rin ang babala ng Armed Forces of the Philippines na hindi laging mapagkakatiwalaan ang Communist Party of China sa usaping negosasyon, dahil madalas ay hindi nila tinutupad ang kanilang sinasabi.

Giniit ni Yusingco na hindi dapat baliwalain ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang nasabing mga babala at kailangang mabantayan ang posibleng panganib.

--Ads--

Pinaalalahanan niya na tanungin kung may tunay bang makukuhang benepisyo ang bansa o baka ang kita ay mapunta lamang sa China at ibebenta pabalik sa Pilipinas.

Aminado si Yusingco na hindi kayang mag-isa ng Pilipinas ang oil exploration pagdating sa teknikal na aspeto, kagamitan, at mga advanced gadgets.

Subalit, hindi ibig sabihin na sa China lamang puwedeng makipartner ang bansa, dahil may iba pang interesadong bansa tulad ng Japan at Australia para sa joint exploration.