Nasawi ang isang babaeng sakay ng isang honda wave motorcycle side car na may plakang A038762 matapos bumangga sa isang electrical wire ng Telecommunication Company sa brgy. ng Bari sa bayan ng Mangaldan.
Ayon kay PLT. Charise Pacheco, ang siyang PCWD Officer ng Mangaldan National Police, lumabas sa kanilang imbestigasyon na bumibiyahe ang biktima patungong Norte at nang makarating ito sa pinangyarihan ng aksidente, tumama ito sa isang nakalaylay na electrical wire ng naturang kumpanya.
Nagkabuhol-buhol dito ang biktima na siyang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Agad naman aniyang rumesponde ang kapulisan at isinugod pa umano ang biktima sa pinakamalapit na hospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Kinilala ang biktima na si Evangeline Bautista, 52 anyos, single at residente ng brgy. Malabago sa parehong bayan.
Nagbigay din naman ng pahayag ang naturang opisyal kaugnay sa palagiang pagkakatala ng mga vehicular accident sa naturang bayan.