DAGUPAN CITY- Sugatan ang isang babae matapos umanong tagain sa ulo ng isang lalaking ka-barangay sa Barangay Laguit Centro, sa bayan ng Bugallon.
Kinilala ang biktima na si Jnevive Rivera Cardona, habang ang suspek ay isang 59-anyos na magsasaka, may asawa, at residente rin ng naturang barangay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente matapos umanong mag-inuman ang biktima at ang suspek sa kani-kanilang bahay.
Makalipas ang ilang sandali, lumabas umano ang suspek, at kalaunan ay nagtungo sa bahay ng biktima habang sumisigaw. Nasa kamay umano nito ang isang itak, kasama ang mga anak at asawa.
Lumabas si Cardona upang tingnan ang nangyayari, ngunit dito siya umano pinuruhan ng suspek at tinamaan sa ulo. Dahil sa tinamong sugat, agad siyang isinugod sa Lingayen District Hospital.
Ayon sa mga imbestigador, may pahayag na rin ang mga saksi na magsisilbing ebidensya sa isasampang kaso.
Nakatakdang ihain ang reklamo laban sa suspek sa mga susunod na araw, kabilang ang posibleng kasong frustrated murder.
Sa panig ng biktima, sinabi nitong hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon sila ng alitan ng suspek.
Ayon sa kanya, naganap ang pananakit habang sila ay kasalukuyang nag-iinuman kasama ang pinsan ng asawa niya.
Sa kabila ng pagtakas ng suspek matapos ang insidente, nagpahayag ng determinasyon ang biktima na ituloy ang kaso upang managot ang suspek.
Humingi rin siya ng proteksyon sa mga awtoridad dahil sa pangambang maulit ang karahasan, lalo na’t may mga bata siyang inaalagaan, kabilang ang sanggol na dalawang buwang gulang.
Patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang suspek, at bukas ang awtoridad sa pagtanggap ng impormasyon mula sa mga residente upang agad itong maaresto.
Ang imbestigasyon ay nagpapatuloy.









