Dagupan City – Mga kabombo! Isa ka rin ba sa mapili pagdating sa tinapay?
Kung sa bakery, isa ka rin ba sa gumagawa ng pagpisil-pisil para lamang makapili ng gustong “firmness” ng tinapay?
Paano kung isa pala ito sa magiging dahilan kung bakit ka makukulong?
Kalaboso kasi ang isang 40-anyos na babae sa Fukuoka, Japan matapos itong arestuhin dahil sa kakaibang krimen—pagpisil ng tinapay na paninda sa isang convenience store.
Paano ba naman kasi, tila kakaiba ang ginawang pagpisil nito dahil nasira ang tinapay.
Ayon sa ulat, pumasok ang babae sa tindahan at kinuha ang isang pack ng black sesame at cream cheese buns na nagkakahalaga ng P67.
Sa hindi malinaw na dahilan, bigla raw nitong piniga ang isa sa mga tinapay gamit ang hinlalaki, dahilan para ma-deform ang pack at hindi na ito maibenta.
Nakita ng may-ari ng convenience store ang eksena at sinita agad ang babae. Ngunit nagmatigas ito at lumabas ng tindahan nang hindi nagbabayad. Determinado ang may-ari kaya sinundan niya ito ng halos isang kilometro bago ipahuli sa pulisya.
Ayon sa may-ari, hindi ito ang unang beses na nahuli ang babae sa ganitong gawain. Ilang ulit na raw itong pumipisil ng tinapay sa kanyang tindahan. Sa kanyang depensa, sinabi ng babae na gusto lang niyang suriin ang “firmness” ng tinapay.
Ayon sa mga eksperto, ang ganitong mga kaso ng “food vandalism” ay nagpapakita ng lumalalang prank culture sa Japan.