DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang 17-anyos na babaeng estudyante sa Brgy. Doyong sa bayan ng Calasiao matapos itong mabangga ng isang motorsiklo.

Ayon kay PCapt Anthony Doctolero, Deputy Chief of Police ng Calasiao PNP, base sakanilang imbestigasyon at salaysay ng kasintahan ng biktima na siya ring saksi sa nangyaring insidente, nagkaroon sila ng pagtatalo sa gitna ng kalsada.

Sa tangkang pag-alis ng lalaki sakay ng motorsiklo, sinubukan siyang pigilan ng biktima ngunit bigo ito.

--Ads--

Habang naglalakad pabalik sa gilid ng kalsada ang biktima, nabangga siya ng paparating na motorsiklo naminamaneho ng isang 20-anyos na lalaki.

Nawalan umano ito ng kontrol at bumagsak sa kalsada, saka naman nasundan ito ng isa pang motorsiklo na sumalpok dito.

Aniya na dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo ang biktima at agad na isinugod Ospital sa syudad ng San Carlos, ngunit idineklara nang DOA.

Sasampahan sana ang suspek ng “Reckless imprudence resulting in homicide” ngunit napagdesisyunan na lamang ng pamilya ng biktima na magkaaregluhan sila.

Samantala, tatlong menor de edad naman ang sangkot sa pagnanakaw ng isang tricycle na nakaparada sa tapat ng bahay ng may-ari sa Brgy. Ambunao, sa bayan ng Calasiao.

Isa sa mga suspek ay 16-anyos, habang ang dalawa ay 15-anyos pa lamang.

Ayon kay PCapt Doctolero, ibinenta ng grupo ang sidecar ng tricycle sa halagang P1,300 sa isang junkshop sa Brgy. Tuliao, sa bayan ng Sta. Barbara.

Bagama’t hindi natiyak ng junkshop ang tunay na pagmamay-ari ng bahagi ng tricycle, agad naman silang nakipagtulungan sa mga awtoridad para sa imbestigasyon.

Samantala, nakarating sa biktima na nakita umano ang kanyang motorsiklo sa Brgy. Caranglaan, sa syudad ng Dagupan kung saan natukoy na nakatira dito ang isa sa mga sangkot.

Aniya na sa tulong ng Dagupan City Police Station, nabawi ang motor, ngunit napalitan na ang ilang bahagi nito.

Dahil sa murang edad ng mga sangkot, hindi sila maaaring ikulong kaya nagkaroon na lamang ng areglohan.

Hiling lamang ng biktima na maibalik at maayos muli ang kanyang tricycle.