Dagupan City – Hindi lalahok ang Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) Pangasinan sa planong malawakang transport strike na isasagawa ng ilang grupo ng transportasyon kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay AUTOPRO Pangasinan President Bernard Tuliao, sinabi nitong mas pinili ng kanilang grupo na ipagpatuloy ang operasyon upang hindi maapektuhan ang mga mananakay sa probinsya.
Ayon kay Tuliao, malaking tulong para sa mga operator ang inihayag ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na planong dagdag-pasahe kung saan magkakaroon ng ₱1.00 na dagdag sa pamasahe ng mga tradisyunal na jeepney at ₱2.00 naman para sa mga modernong jeepney, kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina na dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Gayunman, patuloy pa rin ang pag-asa ng grupo na matigil na ang giyera upang bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Samantala, bilang hakbang upang hindi malugi ang mga operator, plano ng grupo na magpatupad ng internal na “double coding” scheme.
Nakatakdang pag-usapan ito ng nasa tinatayang pitong transport cooperatives upang mapangalagaan ang konsumo ng krudo ng kanilang mga sasakyan.
Sa Dagupan City, nakipag-ugnayan na rin ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng ayuda para sa mga driver at operator.
Ayon kay Tuliao, ngayong araw ang itinakdang deadline para sa naturang proseso.
Nanawagan din si Tuliao sa pamahalaan na gawing pantay ang ibinibigay na fuel subsidy, dahil kasalukuyang nasa ₱10,000 ang ibinibigay sa mga modernized jeepney habang ₱5,000 lamang ang nakukuha ng mga tradisyunal na jeepney.
Hinggil naman sa mga nauna nang nagtaas ng pamasahe sa lalawigan, panawagan ni Tuliao na ipag-bigay alam ito agad sa LGU’s at binigyang-diin din niya na hindi dapat ma-kompromiso ang kapakanan ng mga mananakay dahil pare-pareho lamang na apektado ang publiko sa pagtaas ng presyo ng langis.
Paliwanag niya mas makabubuting huwag munang magtaas ng pamasahe hangga’t wala pang inilalabas na panibagong fare matrix mula sa kinauukulang ahensya.










