Nanawagan ang Autopro Pangasinan sa pamahalaan na isama rin sa Service Contracting Program ang mga driver and operator ng tradisyunal na jeepney, sa kabila ng pagkakaalam na prayoridad lamang umano ang mga modernized units.

Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng Autopro Pangasinan, masakit isipin na bagama’t kabilang sila sa sektor, tanging mga may modernized vehicle lamang ang nabibigyan ng pribilehiyo at tulong sa nasabing programa.

Aniya, nauunawaan naman nila kung bakit prayoridad ang mga modern units dahil dala nito ang malaking buwanang amortisasyon. Subalit, pakiusap nila na sana ay bigyan din sila ng konsiderasyon kahit sa maikling panahon lamang.

--Ads--

Ipinaalam din ni Tuliao na hindi sila nakapagpasa ng dokumento dahil walang abiso o paalala na ipinadala sa kanila, taliwas sa nakaraang pagkakataon kung saan maaga pa lamang ay nagproseso na sila.

Binigyang-diin din niya na mas nakararami pa rin sa kasalukuyan ang mga tradisyunal na jeepney kumpara sa mga na-modernisa, kaya naman umaasa sila na mabigyan sila ng pansin.

Samantala, pinayuhan naman ni Tuliao ang mga kasamahan sa sektor na magtiis muna at maging mapagmatyag, habang tinitiyak naman ng kooperatiba na tutulong sa abot ng kanilang makakaya.

Pinaalalahanan din niya ang mga ito na huwag mag-alala patungkol sa fuel subsidy at iba pang ayuda, at inaasahang sa mga susunod na araw ay sila naman ang mabibigyan nito.