Kilala sa tawag na “socceroos”, ang soccer ay isa sa mga pinakasikat na laro sa larangan ng pampalakasan sa bansang Australia.


Ang Australian slang na “socceroos” ay nilikha ng isang mamamahayag noong 1967 habang bumibisita ang Australian national football team sa dating Republic of South Vietnam.


Kaugnay ng nalalapit na FIFA World Cup na gaganapin sa Qatar, puspusan na ang paghahanda at pag-eensayo ng mga kinatawan ng Australia para sa naturang torneo.

--Ads--


Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Denmark Suede, sinabi nito na ito pa lamang ang ika-anim na beses na makikilahok ang bansang Australia sa World Cup, kung saan ay una naman itong sumabak sa kompetisyon noong 1974 kumpara sa koponan ng Pilipinas na unang itinatag noong 1913.


Una rito aniya ay nakipagkompetensiya ang koponan ng Australia sa Oceana Confederation kasama ang New Zealand at iba pang Pacific countries, subalit napagtanto nila na hindi sila magkakaroon ng improvement kung magpapatuloy lamang ang kanilang pakikipagtunggali sa naturang kompederasyon, kaya naman ay lumipat sila sa Asian Football Confederation noong 2006.


Bagamat hindi pa nakakapili ng final line-up ng koponan ng Australia, ay makakatunggali naman nila sa unang laro ang koponan ng France na isang powerhouse sa Nobyembre 22, habang susunod naman nilang makakaharap ang koponan ng Tunisia sa Nobyembre 26.


Kaugnay naman ng mga kumakalat na alegasyon sa inilabas na pahayag ng Qatar sa same-sex relationship, ay idiniin ni Suede na maingay ang Australia pagdating sa pagtatanggol sa human rights at pagtayo laban sa mga violation sa mga ito. Subalit dahil may karapatan ang Qatar aniya na maglabas at magtatag ng sarili nilang batas patungkol dito ay hanggang pag-iingay lang ang naturang bansa pagdating dito.


Dagdag pa ni Suede na napili naman bilang isa sa mga host countries ang Australia kasama ang New Zealand para sa FIFA 2023 Women’s World Cup kung saan ay makakasama naman nila ang Philippine National Team na nakahanay sa Group E.


Una naman nilang makakaharap ang bansang Switzerland sa July 21, 2023 sa New Zealand.