Ikinababahala ng mga healthworkers ang naitalang panibagong 19,800 COVID-19 cases o katumbas ng 59% na positivity rate sa New South Wales sa bansang Australia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Denmark Suede, sinabi nito na ang mga naitalang panibagong pagtaas ay bunsod ng magkakaiba at magkakahalong mga subvariants ng COVID-19 o ang tinatawag nilang “variant soup”, kung saan tumaas naman sa 20% ang admission rate sa mga ospital sa nasabing lugar.
Saad pa nito na bagamat 96% ng kabuuang papulasyon ng nasabing bansa ang fully vaccinated na, habang 72% naman sa mga ito ang nakatanggap na ng kanilang first booster dose, at 42% naman ang nakatanggap na ng second booster dose, hindi ito nangangahulugan na hindi epektibo ang mga natanggap nilang mga vaccine.
Dagdag pa ni Suede na kumpara sa Pilipinas kung saan hindi umano accurate ang inilalabas na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, kumpara sa Australia na naka-base sa scientific evidence sa paglaban sa naturang virus at hindi gaya sa nakaraang administrasyon ng Pilipinas na gumagamit ng sanctions at pananakot sa mga mamamayan nito at sa kasalukuyang administrasyon na naka-base lamang sa mga assumptions upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Maliban pa riyan ay naglabas din ang Australian government ng mandato na inaprubahan ng kanilang Korte Suprema kung saan ay tatanggalin sa trabaho ang mga residenteng may ayaw o hindi nagpapabakuna.
Binigyang-diin pa nito na hindi epektibo at hindi gagana ang lockdown lalo na kung malaking porsyento ang naitatalang pagtaas sa kaso ng COVID-19, at malalabanan lamang ito sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni Suede na mas mahigpit ang mga ipinatutupad na restrictions ng Pilipinas on paper dahil sa mga hinahanap na mga travel documents sa mga lumalabas at pumapasok sa bansa kumpara sa Australia na hindi naghihigpit sa usaping ito.
Muli naman aniyang itataas ng Australian government ang paghihikayat sa mga residente ng Queensland, New South Wales, at iba pang apektadong mga state ng nasabing bansa ang pagsusuot ng face mask sa parehong outdoor at indoor spaces.
Idiniin naman muli ni Suede na napakahalaga kung magkakaroon ng kaalaman ang Department of Health ng Pilipinas patungkol pa rin sa usaping ito para sa pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon sa publiko kung papaano malalabanan ang COVID-19 virus.
Saad pa niya na wala dapat ikabahala o ikatakot ang sambayanang Pilipino sa pagtangkilik at pagpapabakuna laban sa naturang virus dahil ito ay hindi lamang para sa sarili nilang kapakanan kundi sa kaligtasan na rin ng mga mamamayan.